Saturday, March 22, 2014

Kambal

Naaalala niyo pa siguro ang kuwento ng buhay ko. Kung paano ako pinatay. At ngayon, tama na siguro ang panahon para ibahagi ko sa inyo ang iba pang kuwentong bumabalot sa aking lupain. Ako si Madam Conchita Noche...  At ito ang Dama de Noche.

Isang simpleng subdivision sa Maynila. Isang simpleng subdivision na hindi mo aakalaing puno ng kababalaghan at katatakutan.

Marami sa inyo ay iiwas, magtatakip ng mata at tatakbo... Ngunit, kung ano ang iyong ibinigay ay siya ring babalik sayo. Na sa bawat kaluskos na naririnig mo. Sa bawat aninong makikita mo... May isang nilalang, kaluluwa man o hindi ang iyong nagalaw. Dahil malimit nag-uugat ang lahat sa kasakiman, paghihiganti, kalungkutan o kahit pagsasawalang-bahala. Kaya iyong tandaan, ikaw ang gumawa ng iyong katatakutan!


***
Marami sa inyo ang nangangarap ng maginhawang buhay. Ganun din ang buhay ni Danilo Torres. Ngunit katulad ninyong lahat, nalaman ni Dan na hindi madaling makamit lahat ng inaasam sa buhay.

Limang taon na sa Dama de Noche si Dan. Pagkatapos grumaduate at makaipon ng kaunti ay lumipat na siya dito. Nakatira sa probinsya ang pamilya niya at nangako siyang darating ang panahon na hindi na lang siya magpapadala ng pera. Dadalhin niya dito sa Maynila ang pamilya at iaahon sa hirap.

Ito iniisip ng lahat na dahilan kung bakit laging seryoso si Dan. Mabait naman siyang tao ngunit tahimik. Tuwing umaga, kasabay ng mga batang papasok sa eskuwela ay papasok din siya sa trabaho.

"Good morning kuya Dan!" laging bati sa kanya ng mga bata.

At palagiang mapapanis ang mga ngiti ng mga bata dahil hindi man lang titingin si Dan. Masungit at snob ang tingin sa kanya ng lahat. Umaga palang kasi ay parang pasan na niya ang buong mundo.

***
"Dan naman, ilang beses na nating nabrainstorm ang gusto kong feel! Hindi ito 'yun! Hindi ko alam kung bingi ka o wala ka talagang taste sa katawan! Isang-isa na lang talaga maghahanap ka na ng bagong trabaho!"

Isang illustrator ng mga children's books si Dan. Nakikinig naman siya. Pakiramdam naman niya ay may taste siya. Pero hindi puwedeng hindi sila aabot ng boss sa ganitong away bago nito ipasa ang gawa niya. Halos wala na tuloy natirang yabang para sa sarili si Dan sa trabaho.

Dahil dito ay tampulan ng kuwentuhan at katatawanan si Dan sa opisina. Lalo pa at halos lahat ng kasabayan niya ay umangat na sa kanya. Habang siya, hanggang ngayon ay tiga-drawing pa rin.

Kahit ang crush niya sa opisina na si Ces ay hindi niya tuloy malapitan man lang. Hanggang sa malaman niya na lang na pinopormahan na ito ng mayabang niyang katrabaho na si Marco.

***
Uubusin ni Dan ang mga bote ng alak na binili pag-uwi. Nang tuluyan na siyang tamaan ay doon lang naluha si Dan. Sawang-sawa na siya sa buhay niya. Sawa na sa buhay na pinapaikot ng pera para umangat. Sawa na sa pagtrato sa kanya ng iba. Sawa ng pagtawanan at di pansinin.

Makikita ni Dan ang drawing niya ng kanyang sarili sa kanyang sala. Ang drawing na ito ang kumakatawan sa pangarap niya. Pangarap niyang buhay at pangarap niyang maging siya. Sa galit ay sisirain ni Dan ang drawing at ibabato.

"Ayoko ng lokohin ang sarili ko! Tangnang buhay 'to!"

Makakatulog ng lasing si Dan at kinabukasan ay hindi makakapasok dahil sa sobrang hang over. Halos hindi na niya mahanap pati cellphone sa sobrang sakit ng ulo at katawan. Pero medyo natuwa na rin si Dan dahil hindi niya kailangang makita ang mga kinaiinisan niyang katrabaho.

***
Kinabukasan ay nagulat siya pagpasok ng opisina. Lahat ng tao ay nginingitian siya.  Ang iba naman ay parang ilag. Idagdag pang binati siya ng boss niya dahil sa magandang drawing na ipinasa niya raw kahapon.

"Sir, absent po ako kahapon. Hindi po ako ang gumawa niyan!" sagot ni Dan.
"Pati sense of humor mo hindi ko maintindihan. But i could care less, at least your stepping up at satisfied ako sa trabaho mo! Sayo na rin pala 'yung project na naka-assign kay Marco."sabi ng boss niya.
"Pero po-"
"Wala kang magagawa. Matagal hindi makakatrabaho si Marco. What happened to him was really unfortunate. Nadulas kahapon, nabali ang kamay." pagtatapos ng boss.

Hindi na lumaban si Dan. Hindi niya kasi alam kung paano nangyari ang lahat. Sa isip niya ay baka niloloko na naman siya ng mga katrabaho. Pero bakit pati ang boss niya ay sumasali?

At pati ang dating project ni Marco na inaasam niya ay nakuha na niya sa di inaasahang paraan. Lunch break at nagulat siya ulit nang lapitan siya ni Ces.

"Hindi nga ako pumasok kahapon. Paano ko magagawa 'yun?" gulo pa rin si Dan.
"Way mo ba 'yan para maging humble o cute? Nilibre mo ako ng lunch kahapon at umamin ka sa akin ng feelings mo. Ikaw naman talaga ang gusto ko at hindi si Marco." sagot ni Ces.

Pinabuksan ni Ces ang pictures ni Dan sa cellphone nito at may litrato nga sila na kumakain ng magkasama. Tatahimik na lang si Dan.

***
Umuwi si Dan na naguguluhan. Sa wakas ay umaayon ang lahat sa gusto niya. Ngunit hindi niya maisip kung paano nangyari ang lahat sa isang araw na hindi siya umalis ng bahay.

Maagang natulog si Dan. Hanggang sa maalimpungatan siya at makitang alas tres na ng madaling araw. Babalik sana siya sa pagtulog ng makarinig siya ng kaluskos mula sa drawing room niya sa tapat ng kuwarto.

Kinuha niya ang cutter na pantasa niya ng pangkulay at lumabas ng kuwarto. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa kabilang kuwarto. Pagpasok niya ng drawing room ay walang tao. Ngunit nagulat si Dan ng makitang may nakalatag sa lamesa na drawing. Parang may nagtatrabaho at gumagamit ng mga pandrawing niya. Idagdag pang nakadisplay na ulit ang drawing niya ng sarili niya.

Hindi maintindihan ni Dan ang mga nangyayari hanggang sa maramdaman niyang may tao sa likod niya.

"Nagising ba kita?" sabi ng boses sa likod niya.

Hindi na nakasagot si Dan ng makita ang tao sa likod niya. Nakita niya ang sarili niyang nakatayo. Para siyang nananalamin. Namutla si Dan habang tinitignan ang kamukha. Habang hindi naman nawawalaa ng ngiti ng kamukha ni Dan na nakatitig din sa kanya. Babalutin ng takot si Dan.

***
Nang makaipon ng konting tapang si Dan ay kakausapin niya ang impostor. Ang impostor na kaiba kay Dan ay wala man lang takot. Nagpatuloy lang ito sa pagdo-drawing.

"Sino ka? Anong ginagawa mo dito?" usisa ni Dan.
"Alam ko namang alam mo na ang sagot." sagot ng kamukha niya.
"Paano nangyari 'to?" tanong ulit ni Dan.

Haharapin si Dan ng kamukha niya. Nakangiti pa rin.

"Sabi mo sawa ka na sa buhay mo...kaya heto ako. Nabubuhay kapalit mo." Hindi maintindihan ni Dan ang sinasabi ng kamukha niya.
"Pero okay na. Okay na ako. Umaayos na ang lahat. Puwede ka ng mawala."  sagot ni Dan.
"Umayos ang lahat dahil sa akin. Umamin ako sa gusto mong babae, ginawa ko ang gusto ng boss mo. Binali ko pa ang kamay ni Marco para mawala sa kanya ang project. Tapos ngayong okay na paalisin mo lang ako... Hindi yata puwede 'yun. Hindi ganun kadali 'yun!"

Mas lalong matatakot si Dan sa kausap. Mas lalong lumaki ang ngiti nito na parang nanunuya. Magtatatakbo si Dan papuntang sala palabas ng bahay. Gusto niyang kumawala sa kamukha. Ngunit hindi niya mabuksan ang pinto.

Hanggang sa maramdaman niya ang paghatak ng kanyang buhok. At isang suntok sa kanyang tiyan. Babagsak sa lapag si Dan. Hawak na siya ng kamukha.

"Marami ang katulad kong nakakalat sa mundo. Mga espiritung kambal na sinumpang manuod lang sa buhay ng mga tao. Wala kaming ginawa kung hindi maghintay ng pagkakataon na kami naman ang mabuhay sa mundo. At binigay mo sa akin ang pagkakataong iyon! At sabi nga nila, hindi puwedeng dalawang tayo ang buhay, kaya dapat ako ang matira!"

Tuluyang sasakalin ng kambal si Dan. Makikipagbuno na si Dan sa kamukha. Ayaw niyang matalo ng nilalang na ito. Maaabot niya ang vase at ipupukpok sa ulo nito. Isang malakas na hampas at mawawala sa harapan niya ang kambal. Kahit saan siya tumingin ay wala ito. Hindi niya tuloy alam kung nanaginip lang siya.

***
Kinabukasan ay parang walang nangyari. Nagkakape si Dan bago pumasok ng opisina ng biglang sumakit ang tiyan niya. Magsisimula siyang sumuka ng dugo. Tuluy-tuloy at walang tigil.

***
Umaga na at papasok naa ng mga bata sa eskuwela.

"Good morning kuya Dan!" bati na naman ng isang bata.
"Hindi ka papansinin niyan. Masungit 'yang si kuya Dan!" sagot ng kaibigan nito.

Pero kaiba ng karaniwang umaga...

"Good morning din..."

Nagulat ang mga bata na binati sila sa wakas ng kapitbahay. Pagmamasdan nila si Dan na tuluyang maglalakad palayo papunta sa gate palabas... Ng nakangiti.

***
Kapit lang sa mga susunod na kuwento mula sa...
Dama de Noche!

Saturday, March 1, 2014

Lady of the Night

Hindi makatulog si Madam Conchita kapag hindi siya nagpapabango. Palibhasa'y laging pustura kaya kahit sa pagtulog ay hindi niya matiis na wisikan ang sarili ng pabango. Ang gamit pa niya ay ang makalumang lalagyan ng pabango, yung botelyang may pindutan na kapag pinisil ay mag-spre-spray ng masamyong likido.

"Psst." Mahinang tunog nito pagkapisil ni Madam Conchita. 

Ninamnam niya ang amoy. Amoy jasmine. Nangiti siya, pinagmasdan ang sarili sa antigong salamin. Sa edad na 60 aniyos, hindi na maitatago ang kulubot sa kaniyang mukha pero bakas pa rin ang kaniyang ganda. Banat ang buhok na nakatali pa rin sa isang bun. Tinanggal niya ito, hanggang likod ang kaniyang mahabang itim na buhok. Nakapantulog na siya. 

Tahimik ang kaniyang malaking tahanan na matatagpuan sa gitna ng Dama de Noche Subdivision na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya bago pa man madevelop ang Quezon City. Tatay na ni Madam Conchita na si Don Manuel Noche, ang nag-isip na gawin itong subdivision na matatagpuan naman  malapit sa New Manila at Tomas Morato area. 

May limang malalaking kuwarto ang mansion ng mga Noche, ang ancestral house nina Madam Conchita na minana na rin niya sa kanyang namayapang magulang. Tatlo lang ang nagamit nila dahil dalawa lang ang kanilang anak na lalaki. Sa kanila ang unang bahay na makikita mo pagpasok ng subdivision. Mula kasi sa pasukan, agad mong makikita ang malaking gate ng mansion.  Mamasdan mo rin papasok ang mga nakahilerang puno ng Dama de Noche na humahalimuyak sa gabi. Magkakalayo na ang ibang mga bahay. Kaya mas lalo tuloy dama ni Madam Conchita ang kalungkutan. Dati kasing maingay ang bahay noong buhay pa ang kaniyang asawa at kasama nila ang kaniyang mga anak na may sariling mga buhay na rin sa ngayon. 

Ngunit isang malalakas na katok ang aalingawngaw sa katahimikan ng gabi.

"Sandali! Por Dios por Santo... gabing-gabi na'y kung makakatok parang walang natutulog..." bubulong bulong pa ang matanda. 

Asa baba na siya'y patuloy pa rin ang mga katok. Inis na si Madam. Pero laking gulat niya dahil walang tao sa pinto. 

***

Hindi nakatulog si Madam noong gabing iyon. Ilang wisik na rin ng pabango ang nilagay niya upang ipaghele siya sa antok pero wala pa rin nangyari. Kinaumagahan, agad niyang tinawagan ang mga anak ngunit parehas na walang sagot. Inisip na lang niyang niloko lang siya ng mga kabataang adik. 
Pero sa sumunod na gabi, hindi naging ordinaryo ang kaniyang Martes dahil alam niyang hindi na biro ang lahat nung makakita siya ng mga dugo sa hagdan. Pagsigaw niya, naglaho ito na parang bula. Alam niyang hindi siya matutulungan ng mga anak. 

***

Binuksan ni Madam Conchita ang lahat ng ilaw sa mansion. Wala na ang mga katok. Wala na rin ang mga patak ng dugo sa hagdan. Binuksan niya ang TV para may ingay kahit hindi naman siya nanonood. Gusto lang niyang mawala sa kaniyang isip ang mga nakita at naranasan. Sa tagal niya sa mansion, bakit ngayon lang siya minulto? Bumigat ang kaniyang mga talukap at inanod na sa ilog ng antok...

"AAAAAAAAH!!!!" Isang nakaririnding sigaw ang gumising kay Madam Conchita. Nakatulog siya sa sofa. Bukas pa rin ang TV, color bars ang nasa screen. Galing sa kuwarto niya ang sigaw. Bukas pa rin ang ilaw sa buong kabahayan kaya medyo bawas ang takot nang pumanhik siya para tignan ang silid. 

Gaya ng kaniyang inasahan, walang tao sa kaniyang kuwarto. 

Kinilabutan si Madam Conchita dahil naamoy niya ang sariling pabango, kahit hindi pa man niya ginagamit noong gabing iyon.

***

Hindi pa rin sumasagot ang kaniyang mga anak. Makapal na ang mga bilog sa ilalim ng mga mata ni Madam Conchita. Mas lalo siyang tumanda. Minsan hindi sya makatulog sa gabi pero wala namang nangyayaring kababalaghan, sa tuwing nakakatulog naman siya, maririnig niya ang mga katok o ang pagsigaw. Minsan nadulas pa siya sa dugo sa hagdan na wala naman. Ang hindi niya kinaya ay ang blender sound sa kusina. Garalgal ng makina pero sa tuwing titignan ang kanilang blender, patay ito at hindi nakasaksak. Nagdadasal na lang si Madam ng rosaryo para kontrahin ang mga ito. Sino nga ba naman ang maniniwala sa kaniya sa panahon ngayon? Sa katunayan ay maging siya'y hirap kumbinsihin ang sarili na totoo ang mga naririnig at nakikita. Palagay niya'y dulot lang ito ng katandaan. 

***

Isa na namang panibagong gabi. Hindi pa rin siya kinakausap ng mga anak kahit ilang beses na siyang tumatawag sa mga ito. Nagwiwisik ng pabango si Madam Conchita noong sumago sa isip niya  na baka kailangan niyang harapin ang mga ito para matahimik sila. Kaya inabangan niya minsan ang pagkatok. Napag-aralan din niya na tuwing Martes lang nangyayari ang mga pagmumulto sa kaniya. 

Ilang kape rin ang ininom ni Madam para hindi matalo ng antok. Nakapantulog na siya pero hindi iyon ang balak niyang gawin ngayong gabi. Unang katok pa lang, mabilis na binuksan ni Madam Conchita ang pinto. Ngunit laking gulat niya dahil ang dalawang anak niya ang nasa labas ng bahay. Nasurpresa siya at nangiti. 

"Hindi ko inasahan ang pagbisita niyo." Tuwang tuwa si Madam. 
"Minsan lang ito ma." unang nagmano sa kaniya ang panganay, sumunod ang bunso. 
"Alam ko kapag dumadalaw kayo, may kailangan kayo." biro niya. 

Pinapasok niya ang dalawa, pansamantalang nalimutan ang mga kaganapan sa bahay. 

"Namiss ka lang namin." lambing ng bunso. 
"Magaling ka talagang mambola Manuel." sabi ni Madam. "Oh siya kung alam ko lang na darating kayo e di sana nakapag-ayos man lang ako.."
"Wag na. Hindi naman kami magtatagal." sabi pa ng panganay.

Pero hindi nagpapigil si Madam Conchita, "Parang hindi niyo naman ako kilala." Sa katunayan, alam naman ng magkapatid na gagawin ito ng kanilang ina. Hindi niya matiis na hindi magbihis ng maayos sa tuwing may kaharap na tao, kahit pa anak. 

Nagbibihis si Madam Conchita ng biglang may humampas sa ulo niya. Mahilo-hilo niyang hinarap ang umatake sa kaniya, nanghilakbot siya nang makita ang mukha ng panganay. Sinundan pa niya ito ng isa pang hampas gamit ang antique nilang vase. Napasigaw si Madam Conchita. Napapikit nang makitang nakaamba na ang anak.

Hanggang sa isa pang hampas ang tatama sa kaniya, pero hindi na siya nasasaktan. Pagdilat ni Madam, napatingin siya sa panganay, makikita niyang hinahampas pa rin siya nito ng vase. Unti-unting maalala ni Madam ang lahat.

Nasaksihan niya ang pangyayari. Nagtalo ang kaniyang mga anak nang makitang wala siyang malay na nasa kama. Sinabi ng bunso na dapat palalabasin nilang nalaglag lang siya sa hagdan at naaksidente. Sa ganung paraan nila makukuha ng mabilis ang kanilang mana bukod pa sa insurance mula kay Conchita. Tulirot ang mga ito. Nakita ni Madam kung pano siya binuhat ng panganay pababa, pumapatak pa ang dugo mula sa kaniyang duguang ulo, sa kuwarto, hanggang sa hagdan papunta sa kusina. Hindi nila alam kung saan ibabaon ang kaniyang bangkay. Hanggang sa mapatingin ang bunso sa blender. 

Hiniwa siya ng pira-piraso. Binlender. Tapos finlush siya sa banyo. Iyak nang iyak si Madam Conchita habang pinapanood ang sariling sinapit sa kamay mismo ng kaniyang anak. 

Minulto siya ng kaniyang sarili. Minumulto siya ng sariling multo dahil hindi niya matanggap na pinatay siya ng sarili niyang mga anak. Hindi niya matanggap ang sinapit. Hindi siya matahimik. at sinundan pa siya ng trahedyang ito sa kabilang buhay. Paulit-ulit minumulto ang kaniyang multo ng sarili rin niyang mga multo. 

Umaamoy ang kaniyang pabango sa silid niyang wala namang tao.

***
Abangan tuwing UNA at HULING linggo ng buwan
ang mga kuwentong mananakot at magpapatindig ng balahibo mo.
Ito ay ang mga kuwento mula sa...
DAMA DE NOCHE